natutuwa ako sa kantang yon. naaalala ko ang kahapon, nung musmos pa lamang ako't walang masyadong alam sa mundo kundi ang mag-laro. naging pamilyar sa akin sina pepe smith, si mike hanopol, ang vst, ang sampaguita, ang apo hiking society, si francis magalona, freddie aguilar at iba pang mga importanteng tao sa larangan ng musikang Pilipino. kinakanta ko noon ang mga kanta nila nung bata pa ako. kahit na hindi ko masyadong iniintindi ang pangkahulugan ng mga letra sa kanilang musika ay natutunan ko itong sabayan. naalala ko nung isang beses na kinanta namin nung mga kalaro ko ang nosi ba lasi at laki sa layaw. nakakatuwang mga alaala.
gusto ko din yung bidyong ginawa nila para sa betamax. isa pa ding paalala ng kahapon. oo, nilaro namin nung mga kalaro ko yung ibang mga laro doon, maliban sa syato. hindi ako masyadong pamilyar doon. namimiss ko ang paglalaro ng piko, ng patintero, ng habulan taya, ng chinese garter, ng teks, ng holen, ng sipa, ng tago-taguan... nakakapanghinayang nga lang isipin na mangilan-ngilan na lang ang mga batang nakakaalam ng mga larong 'yon. dahil lahat sila ay nalunod na sa makabagong teknolohiya at makabagong pamumuhay.
mabalik tayo dun sa kanta... medyo nakikita nga lang ang pagiging third world ng Pilipinas. bakit? kasi nung panahong yun ng 'betamax' eh unti-unti nang nadedebelop ang internet mula sa telegraph ng amerika, at ang komunikasyon sa isa't-isa ay nagiging mas madali sa pamamagitan ng cellphone mula sa simpleng ideya ng telepono na ninakaw daw diumano ni Graham Bell kay Elisha Gray.
pero hindi naman talaga ito ang gustong ipahiwatig nung betamax. nais lamang nitong ipaabot sa lahat ang kahalagahan ng mga nag-ambag sa pag-angat ng orihinal na musikang Pilipino. isipin mo na lang kung gaano kahirap bumuo ng isang awitin na may orihinal na letra, kung gaano kahirap ipaabot ang iyong musika sa mga tumatangkilik nito sa kakaunting mga midyum ng pagbrodkast. tapos ngayon, kung kailan madali na ang pagsasalathala at pagbobrodkast ng kanta, ay sya namang unti-unting pagpatay ng orihinal na paggawa ng musika.
kailangan nating ipagpatuloy ang sinimulang legacy ng mga dakilang mang-aawit ng ating panahon. yakapin natin ang musika at pamumuhay na patuloy na humuhubog sa kultura nating mga Pilipino. huwag natin itong ibaon sa limot. tangkilikin ang musikang Pilipino.
ipagpatuloy ang daloy ng alon. betamax ng sandwich
kalungkutan, bakit kailangan na ang kabaligtaran mo ay kasiyahan? bakit kinakailangan na madilim at masalimuot ang pagkakalarawan sa iyo?
sa tuwing naaalala ko ang aking pag-iisa sa larangan ng pag-ibig ay dumadalaw ka. o kaya naman, kapag ako lang ang nandito sa bahay at nakatunganga ay bigla kang sumusulpot.
sa tuwing naglalakad ako sa ilalim ng itim na langit, sinasamahan mo ako't sinasabayan sa aking bawat paghakbang. at biglang papatak ang luha ng kalangitan, na wari ba'y nakikiramay sa ating dalawa. ilalabas ko naman ang payong ko't pasususukubin kita...
sa aking pagtulog sa gabi, tatayo ka sa may gilid ng aking kama. bago ko patayin ang ilaw ko'y tititigan mo ako't paluluhain. hihintayin mo ang aking pagtahan, ang aking pagtulog habang umiiyak ay hihintayin mo ng buong pasensya. tsaka ka lamang maglalaho kapag ako'y payapa na't mahimbing na natutulog sa aking kama.
lumilipas ang araw sa magkakasunod na mga gawaing nakasanayan, nagiging patay ang pakiramdam ngunit isa ang namumukod tanging natitira, ang kalungkutan.
tinatanggalan mo ng kinang ang aking mga matang husto kong pinasasaya ng dahil sa mababaw na kaligayahan. pinahihina mo ang mga malalakas na halakhak na nagmumula sa akin. pinababagal mo ang tibok ng aking puso. pinapapait mo ang aking pagkatao.
hinahayaan na lang kita. dahil alam kong minsan ka lamang naman nagiging laman ng aking pagkatao. minsan ka lamang magpapakasaya sa pananatili sa aking anino. nasasa akin pa rin ang desisyon kung palalayasin kita o pananatilihin sa aking pagkatao.
Online ako. Naghahanap ng mga bagong taong makakausap. Nang makita ko ang profile mo na sumipot kung saan.
Ikaw. Na may maamong mukha. Nakakapasong mga tingin at nakakatakam na mga labi. Ikaw. Na may matatamis na ngiti at nakakahawang mga tawa. Ikaw. Na kauna-unahan kong minahal ng tapat. Ikaw. Ay kahapon na.
Halos gawin kong kanto ang Olongapo para sa'yo. Halos ipahamak ko ang sarili ko para sa'yo. Pero nauwi lang sa wala. Nakakatawang mga alaala.
Isa ka na lamang multo sa aking nakaraan.
Ngunit sa kabila ng lahat, nagpapasalamat ako sa iyo. Pinatapang ako ng mga nasawing pangako mo. Pinaharap sa kinabukasang may pag-asa para sa totoong pagmamahal. Pinangiti sa kabila ng pagpapaluha. Tinatanaw ko iyong malaking utang na loob sa iyo. Salamat.