abre los ojos

Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket

ticktock

Martes, Mayo 27, 2008

kalungkutan

kalungkutan, bakit kailangan na ang kabaligtaran mo ay kasiyahan?
bakit kinakailangan na madilim at masalimuot ang pagkakalarawan sa iyo?

sa tuwing naaalala ko ang aking pag-iisa sa larangan ng pag-ibig ay dumadalaw ka. o kaya naman, kapag ako lang ang nandito sa bahay at nakatunganga ay bigla kang sumusulpot.

sa tuwing naglalakad ako sa ilalim ng itim na langit, sinasamahan mo ako't sinasabayan sa aking bawat paghakbang. at biglang papatak ang luha ng kalangitan, na wari ba'y nakikiramay sa ating dalawa. ilalabas ko naman ang payong ko't pasususukubin kita...

sa aking pagtulog sa gabi, tatayo ka sa may gilid ng aking kama. bago ko patayin ang ilaw ko'y tititigan mo ako't paluluhain. hihintayin mo ang aking pagtahan, ang aking pagtulog habang umiiyak ay hihintayin mo ng buong pasensya. tsaka ka lamang maglalaho kapag ako'y payapa na't mahimbing na natutulog sa aking kama.

lumilipas ang araw sa magkakasunod na mga gawaing nakasanayan, nagiging patay ang pakiramdam ngunit isa ang namumukod tanging natitira, ang kalungkutan.

tinatanggalan mo ng kinang ang aking mga matang husto kong pinasasaya ng dahil sa mababaw na kaligayahan. pinahihina mo ang mga malalakas na halakhak na nagmumula sa akin. pinababagal mo ang tibok ng aking puso. pinapapait mo ang aking pagkatao.

hinahayaan na lang kita. dahil alam kong minsan ka lamang naman nagiging laman ng aking pagkatao. minsan ka lamang magpapakasaya sa pananatili sa aking anino.
nasasa akin pa rin ang desisyon kung palalayasin kita o pananatilihin sa aking pagkatao.

ayokong manatili ka sa aking pagkatao. ayoko.

Walang komento: